PLUMA: ANG PAG-IBIG NA NAITALA


Umaga na naman. Isang panibagong araw na hindi ka kasama. Ilang buwan na ang lumipas ngunit ‘di ko pa rin matanggap na hindi ka na kailanman mapapasa’kin. Ang sakit! Hanggang ngayon ‘di ko pa rin magawang kalimutan ang mga masasayang ala-ala natin. Lahat ng tungkol sa’yo ay sariwa pa sa akin. Nasasaktan man ako dahil sa kabaliwang ‘to, hindi ko pa rin maitanggi na mahal pa rin kita. Tanging ang pluma na hawak ko ang saksi ng ating pag-iibigan. Pero dahil sa wala nang ikaw at ako, kami na lang ng pluma at kuwaderno ko ang nagdadamayan.

Ako si Oliver at ito ang aking kwento.

Walong buwan na ang nakakalipas noong iwan ako ng babaeng mahal ko. Magkahalong lungkot at sakit ang naramdaman ko noong araw na iyon. Hindi ko inaasahan na darating kami sa puntong paghihiwalay. Hindi naman kami nag-aaway at wala naman kaming problema. Alam kong mahal niya rin ako pero sa pagkakataong iyon, napatunayan ko na hindi niya kayang pagsabayin ang relasyon namin at ang pagtupad niya sa kaniyang mga pangarap.

Si Monique, ang babaeng pinili kong mahalin. Siya lang ang babaeng lagi kong sinusulat sa aking simpleng kuwaderno. Iba siya sa mga babaeng nakilala ko. Mayaman pero simple lang. Walang arte sa katawan. Tulad ko, mababaw rin ang kaniyang kaligayahan. Kahit na sorbetes lang ang kaya kong ilibre sa kaniya, hindi siya nagrereklamo. Mahilig kaming manuod ng sine pag may bakanteng oras. Ako kasi nagtatrabaho araw-araw habang siya ay nag-aaral pa ng kursong medisina. Basta may pagkakataon na para kami ay magkasama, ginagawan namin ng paraan.

Hindi naman tutol ang aming mga magulang sa binuo naming relasyon. Handa akong maghintay kung kinakailangan. Ganun ko siya kamahal. Kaya masakit sa akin na iwan niya na para bang wala kaming pinagsamahan. Walang gabi na hindi ko siya iniisip. Hindi ko pa rin inaalis ang litrato namin malapit sa aking lampara. Gusto ko kasi siyang masilayan bago ako matulog at pag gising ko sa umaga.

Natatandaan ko pa ‘yung araw na una ko siyang dinalaw sa bahay nila. Tulog pa siya pag dating ko kaya nama’y ang nanay niya mismo ang nagpatuloy sa akin. Pinaupo ako at inalok ng kapeng barako. Naroon din ang kaniyang amang humihigop ng mainit na sopas habang nagbabasa ng peryodiko. Bitbit ko ang isang kahon ng paborito niyang tsokolate at inilapag sa mesang nasa harap ko. Naririnig ko ang mga kapatid niyang naghahabulan at nagkukulitan. Ang isa ay tumili dahil nakakita ng alupihan. Dahil sa sigaw ng nakababatang kapatid ni Monique, sinaway ito ng kanilang ama at pinagising na ang ate niya. Natawa ako sa sinabi ng bata na ang alupihan daw ay anak ng ahas kaya siya natakot.

Ilang minuto rin ako naghintay bago ko nasilayan ang mga ngiti ni Monique. Isa sa mga bagay na gustong-gusto ko sa kaniya ay ang mga ngiting lumilitaw sa mukha niya. Nagkakamot pa siya ng kuyukot habang papalapit sa akin. Iniabot ko sa kaniya ang dala kong tsokolate na naging dahilan para makatanggap ako ng matamis na halik mula sa kaniya. Ang sarap ng pakiramdam!

Naluluha ako pag pumapasok sa isipan ko ang unang sorpresang ginawa niya para sa aking kaarawan. Sabi niya hindi kami pwedeng magkita noong araw na iyon dahil may kailangan siyang tapusin sa eskwela. Pero laking gulat ko nung makita ko siyang may hawak na keyk pag pasok ko sa loob ng aming bahay. Kasama niya ang aming mga kaibigan. May mga lobo sa paligid at may iba’t ibang klaseng pagkaing nakahain sa hapag kainan. Kaniya-kaniya na silang labas ng kamera para makunan ang mga ‘di pwedeng mapalampas na eksena.

Tuwang tuwa ako noong araw na iyon. Pinakamasayang kaarawan sa buong buhay ko. Unang beses ako masorpresa ng isang babae at di ko inaasahang gagawin niya ‘yun. Ang sarap isipin sa mga oras na iyon na tunay ang pagmamahal sa akin ng babaeng mahal na mahal ko.

Pero ang lahat ng ‘yon ay nasa kuwaderno na lamang. Lahat ay parte na ng nakaraan. Puta! Naiyak na naman ako! Ganito ako pag inaalala ko ang nakaraan namin ni Monique lalo pa’t malapit na ang araw ng mga puso. Siya lang ang ninanais kong makasama sa araw na iyon. Pero sa nakuha kong mensahe mula sa kaniyang kapatid, masaya na si Monique sa Amerika kasama ng kaniyang asawa.

Panahon na nga siguro para magmove on. Ang babaeng minahal ko ng lubos ay may mahal ng iba. Hindi ko pa talaga nahahanap ang babaeng kukumpleto sa buhay ko. Pero naniniwala ako na darating ang panahon na masusuklian din ng pagmamahal na ibinibigay ko.

Ako si Oliver at ito ang aking kwento.

…oooOOOooo…

Ito ang aking lahok para sa Bagsik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy

3 thoughts on “PLUMA: ANG PAG-IBIG NA NAITALA

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s