AKO SI NIKKI, LAKING QUEZON CITY


Nagising na lang ako isang umaga at nasabi sa aking sarili na “ang sarap mabuhay!”

Marami mang suliranin at pagsubok ang dumating sa aking paglalakbay, saksi ang aking kinalak’hang lugar sa storya ng aking buhay.

At ito ang aking kwento.

Malaki ang impluwensya ng Quezon City sa buhay ng isang simpleng tao tulad ko. Siguro nga hindi ako simple sa mata ng iba dahil sa paraan ng aking pananamit, pananalita at pati na rin sa mga gamit na aking pag-aari. Sino bang hindi mababansagang “sosyal” pag nalaman nilang nakapag-aral ka sa isang eksklusibong paaralan gaya ng Miriam College na katabi ng sikat na sikat na Ateneo De Manila University sa Katipunan? Doon pa lang ay malalaman na ng mga tao sa paligid kung anong estado mo sa buhay.

Hindi na ko magtataka kung bakit tinawag na “City of Stars” ang QC. Dito nagsulputan ang iba’t ibang kumpanya ng telebisyon. Kaya noong bata pa ako, nangarap na ko maging sikat na mang-aawit. Abot-kamay ko ang pangarap ko dahil nandiyan lang ang ABS-CBN at GMA Network na pwede kong pakitaan ng aking talento. Pero dahil sa kailangan kong unahin ang aking edukasyon, isasang-tabi ko muna ang hilig ko at uunahin ang pag-aaral.

 Naniniwala ako na isinilang ako para sa musika at kailanman ay hindi ko pinangarap magsuot ng puti at mag-alaga ng mga taong may mga sakit. Pero isang semester na lang ang aking bubunuin at matatapos na ko sa kursong nursing. Ang kursong inaayawan ko ng dalawang taon pero natutunan ko rin mahalin simula nung nakikita kong may natutulungan akong tao at nakakaramdam ako ng ligaya sa tuwing may pasyenteng gumiginhawa ang pakiramdam. Kung papalarin, nanaisin kong magtrabaho at magbigay serbisyo sa mga magagaling na ospital tulad ng Philippine Lung Center, Philippine Heart Center, St. Luke’s Medical Center sa E. Rodriguez at iba pang ospital na matatagpuan sa lungsod ng Quezon. Lubos ang aking kagalakan dahil nararanasan ko maging Student Head Nurse sa ospital ng imbentor ng incubator – walang iba kundi si Dra. Fe Del Mundo sa Fe Del Mundo Medical Center na nakatayo sa Banawe.

 Hindi lamang sa musika at pag-aaral umiikot ang mundo ko. Gusto ko rin naman magliwaliw sa mga nag-gagandahang mall tulad ng TriNoma at SM North EDSA. Kung pasok sa budget at may oras para manuod ng mga konsyerto o pagtatanghal, dadayuhin ko ang Smart Araneta Coliseum na mas kilala sa tawag na “The Big Dome”. Sa edad na bente anyos, nais ko rin naman maranasan ang gumimik. Hindi pahuhuli ang mga bars & restos sa loob ng Eastwood.

 Likas na sa akin at sa aming pamilya ang lumabas lingo-linggo at mamasyal sa lugar na puno ng masasarap na kainan. Bukod sa mga naglalakihang mall na matatagpuan sa aking kinalak’hang lugar, dito rin matatagpuan ang Eco Park kung saan pwedeng matatanaw ang La Mesa Dam. Minsan, pag nagsawa ako sa loob ng gusali, gusto ko rin makalanghap ng sariwang hangin. Gusto ko rin magmuni-muni habang nakakarinig ng mga huni ng ibon, umupo sa isang tabi at damhin ang ihip ng hangin na sinasabayan ng pagsayaw ng mga puno sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife. Sa ganoong paraan, nagkaka-oras ako para sa aking sarili.

 Lahat ng lugar na aking napupuntahan ay may kaakibat na masasaya at malulungkot na ala-ala. Gayunpaman, hindi ako magpapa-apekto sa mga negatibong sitwasyong nangyayari sa buhay ko. Bagkus, ipinagpapasalamat ko pa rin sa ating Diyos ang lahat ng nangyayari sa aking buhay. Pinagtitibay ko ang aking pananampalataya at relasyon sa ating Panginoon sa pamamagitan ng pag-awit tuwing Linggo sa aming simbahan. At kapag may oras at bakanteng araw kasama ng aking pamilya, dumadayo kami sa St. Pio Chapel.

 Sa panahong ako’y makatagpo ng lalaking mamahalin ko habang buhay at makakasama ko sa pagbuo ng pinapangarap kong pamilya, pipiliin ko pa rin ang tumira sa Quezon City. Sa pagkat ang QC ang naging saksi sa bawat ngiti, iyak, at simangot ko sa iba’t ibang pangyayari sa araw-araw. Dito sa lugar na ito nahubog ang aking personalidad na alam kong wala ng iba pang makakagaya.

Ako si Nikki, at taas noo kong pinagmamalaking anak ako ng Quezon City.

Ang sanaysay na ito ay lahok sa http://www.saranggolablogawards.com

 

na inilunsad sa pakikipagtulungan ng http://www.taragis.com/

Maraming salamat sa mga sponsors

 

 

 

9 thoughts on “AKO SI NIKKI, LAKING QUEZON CITY

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s