ANG NGITI NG MGA MATATANDA


Gaano ba kahalaga sa isang kabataan ang ngiti ng mga lolo at lola? Katulad rin ba ito ng mga ngiting nakikita natin sa mga cute na cute na sanggol o mga nakakagigil na mga bata? Gaano kahalaga ang mga ngiti nila sa mga karamdamang dinadaing nila?

Lahat naman siguro tayo may lolo at lola. May mga taong hindi pinalad makasama ang mga ito habang tumatanda sila. Ang tanong, mahalaga rin ba sa inyo ang ngiting naibibigay niyo sa mga senior citizens natin kahit hindi ninyo kamag-anak? May paraan ba kayo para ipakita sa kanila na kahit napaglumaan na sila ng panahon at hindi makasunod ang ilan sa panibagong henerasyon, binibigyan pa rin natin sila ng importansya.

Kung masarap sa pakiramdam ang makapagpangiti ng mga bata, triple ang sarap sa pakiramdam na pangitiin ang mga lolo at lola. Marami tayong hindi naiintindihan at hindi nalalaman sa mga pangyayari at pinagdaanan nila sa buhay. Karamihan sa kanila ay nagkakasakit na. Ang ilan ay hindi kailanman nakatikim ng ginhawa sa buhay. May iba namang iniwan na lang ng pamilya sa iba’t ibang klaseng institusyon. Lahat ng nararamdaman nila ay hindi natin maiintindihan kung hindi natin kayang lumugar sa kinalalagyan nila.

Nasubukan niyo na bang makinig sa mga nakakalungkot na istorya ng buhay nila? Naranasan niyo na bang palitan ng ngiti ang mga naluluha nilang mga mata? Simple lang, naging instrumento ba kayo para mapasaya kahit sa maikling pagkakataon lang ang mga matatanda?

Ilang taon ba para masabing matanda? Sabi nga ng karamihan basta may senior citizen’s card ka, matanda ka na. 60 years old to be exact. Yung iba basta may hawak nang tungkod o maputi na ang kulay ng buhok, matanda na. Kung ako ang tatanungin, masasabi kong matanda na kapag umabot na ito ng 75 years old. Kung ano man ang aking dahilan, sa akin na lang muna iyon.

Maraming nagsasabi na ang mga matatanda daw ay tumatandang paurong. Bakit nga kaya? Maraming dahilan at tunog pang-iinsulto pero totoo yan. May mga scientific explanations yan. Habang tumatanda ang tao, humihina ang resistensya. Nagiging makulit, paulit-ulit at pasaway ang iba. Tulad ng mga sanggol na mahina pa ang resistensya, makulit at pasaway, ganun din sina lolo’t lola. Kung tutuusin pareho lang ang mga bata at matatanda. Ang kaibahan nga lang, ang mga mahihinang katawan ng mga sanggol ay lumalakas habang tumatanda. Ang mga matatanda naman ay humihina habang nagkaka-edad na.

Anong punto ko? Isa lang naman. Mahalin, intindihin at alagaan natin ang mga matatanda katulad ng mga ginagawa natin sa mga bata. Masarap sa pakiramdam ang makakita ng lolo o lola na ngumingiti sa likod ng karamdaman at kabigatan ng problema. Paalala ko lang, konti na lang ang nalalabi nila sa mundo. Tayong mga kabataan sana ang maging daan tungo sa kaligayahan nila.

Walang masama makipagkaibigan sa mga matatanda. Iba man ang henerasyon at agwat nila sa atin, pwede pa rin tayong makipagbiruan sa kanila ng may kasamang pag-galang. Matutuwa sila kung sasabihin niyong, “Lola/lolo, ngiti po tayo kaibigan!”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s