HANGGANG KAILAN?


Minsan naiisip mo na lang manahimik kahit punong-puno na ng emosyon ang puso mo. Lahat ng naipon mong sama ng loob, hinanakit at hindi pagsang-ayon sa iilang bagay na pinaparatang sayo ng mga taong nasa paligid mo ay hindi mo na kontrolado at biglang sumasabog. Minsan naiisip mo na lang magkulong sa kwarto o magpakalayo para lang umiwas sa mga taong mali ang iniisip tungkol sayo. Gusto mong lumaban at ipagtanggol ang sarili mo pero nauunahan ka ng pagpapakumbaba at pilitin ang sarili mong intindihin na lang yung taong yun dahil ayaw mong lumaki pa ang issue. Dumarating sa puntong nawawalan ka ng kaibigan at makakausap sa oras na ikaw naman ang nangangailangan ng tulong – hindi dahil sa iniwan ka nila ngunit ayaw mo lang masayang ang oras nila para pakinggan lahat ng hinaing mo. Hanggang kailan ka lalaban mag-isa? Hanggang kailan mo kikimkimin ang sakit na nararamdaman mo? Hanggang kailan mo sasarilihin ang problema mo? Hanggang kailan AKO magiging ganito?!

Minsan hindi ko na alam kung saan ako lulugar. Hindi ko na alam kung sadya bang mali na ang mga ginagawa ko. Hindi ko alam kung may patutunguhan pa ang buhay ko kung patuloy ako magiging ganito. Hindi ko na alam kung malaki na ang pagbabago ko sa sarili ko o mali lang talaga ng pagkakaintindi ang mga tao sa paligid ko. Hindi ko na alam kung sino yung mga taong nakakakilala sa akin. Hindi na rin ako sigurado kung may mga taong umiintindi sa akin. Alam ko namang meron. Ang mahirap lang kasi, kung sino pa yung sigurado kang iintindi sayo, siya pa yung magiging dahilan para ilabas yung luha mo sa mga mata mo kasabay ng pag-apaw ng sakit sa puso mo. 

May mga bagay akong ginagawang hindi para sa masama pero ang tingin ng iba ay masama. Kailanman ay hindi ko naisip gumawa ng kasamaan. Simpleng paninigarilyo nga hindi ko ginagawa eh. Pati paglalasing ng sobra-sobra hindi ko rin ginawa. Lalo naman ang pagdodroga! Yan ang hinding-hindi ko gagawin. Mangaliwa, manloko ng kapwa, magnakaw, manlalaki o kahit ano pa, lahat yan di ko ginawa. Kaya masakit sa akin na marinig at maikumpara sa ibang mga babae. Ilang beses ko naman na ipinaliwanag yung mga dahilan ko kung bakit ko ginagawa ang mga bagay-bagay. Nakakapagod lang ipagtanggol ang sarili kung paulit-ulit na lang din lahat ng paratang sayo. Ayoko sa lahat yung naikukumpara. Ayaw na ayaw ko nun. Naniniwala kasi ako na iba-iba ang mga tao sa mundo. Sorry kung iba ang interpretation niyo sa kilos ko. Pero sana naman alamin muna yung mga dahilan sa likod ng mga kilos ko. 

Okay lang sana kung yung “ibang tao” lang ang huhusga sayo ng kung ano-ano. Ang masakit lang, kung sino pa yung kasama mo sa bahay araw-araw ang siyang mag-iisip ng masama tungkol sayo. Inaamin kong hindi ako perpektong anak. Aminado naman ako na nagiging sakit ng ulo rin ako minsan pero kailanman ay hindi ko nakalimutan ang obligasyon ko sa bahay at bilang anak. Ang sakit! Sobrang sakit! Hindi ko na napigilan ang luha ko. Hindi ko alam kung paano ilalabas lahat ng nararamdaman ko. Ayokong manumbat, ayokong sumagot. Alam ko kasi na lalaki lang ang problema. Hindi ko lang matanggap na sa isang pagkakamali, naging iba na yung tingin sa akin. Dahil lang sa ginawa ko ng isang beses, parang napaka laki na ng kasalanang ginawa ko. 

Ang point ko lang naman, hindi ko ba pwedeng maranasan yung nararanasan ng iba? Hindi ba pwedeng gawin ko naman kung anong gusto ko na alam kong hindi naman masama? Hanggang kailan ba ko magiging sunod-sunuran lang sa lahat ng gusto niyong gawin ko? Ganito na lang ba ko lagi? Ganito na lang ba ang gusto niyong mangyari sa akin – ang manatili sa bahay? May mga kaibigan din naman ako. At hindi naman kami araw-araw nagkikita at nagkakasama. Kung tutuusin nga, nawawalan na ko ng social life dahil sa pag-aaral. Alam kong konti na lang tapos na ko pero sana mapagbigyan ako ng kahil ilang araw sulitin ang holiday at makasama ang mga kaibigan ko. Yun lang naman eh. Yun lang.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s