SINO ANG DAPAT AT SINO ANG HINDI?


Minsan ba nagawa niyo nang mag-isa at mag-isip ng mga bagay-bagay na nangyari, patuloy na nangyayari at posibleng mangyari sa buhay niyo? Nagawa niyo na bang iwan muna panandalian ang mga ginagawa niyo at huminto saglit dahil sa biglaang pagpasok ng isang bagay sa isip niyo na parang kailangan sagutin agad pero mahirap humanap ng sagot? At nagawa niyo na bang isa-isahin ang mga taong parte o naging parte ng buhay niyo at salain kung sinong dapat itira at pahalagahan? Yung mga taong may malaking “impact” sa buhay niyo na kailanman ay sigurado kayong mananatili sa inyo kahit ano pa ang mangyari, kilala niyo na ba? Eh yung mga taong akala niyo naging tunay sa inyo pero nananatili kayong bulag dahil ang naiisip niyo lang ay kaligayahan kahit na mali sa mata ng iba? Mahirap sagutin, mahirap suriin, mahirap magdesisyon pero mahalaga sa buhay natin kung masasagot ang mga katanungang iyan.

Lahat ng pangyayari sa buhay ay may dahilan. Pangit man o maganda, lahat yan may kadikit na dahilan. Depende yan sa kung pano mag-isip ang isang tao. Iba-iba naman ang opinyon ng bawat isa eh. Parang ganito lang yan eh, bumagsak ka sa exam kasi hindi ka nag-aral. Dahilan yun para pagbutihan mo sa susunod na exam. Ito pa, naging valedictorian ka ng klase niyo. Dahilan yun hindi para ipagmayabang, pero dahilan yun para ibahagi mo sa iba ang talino at kakayahang meron ka. Tama ba? Negative happenings also have meanings. Kung nega na nga ang nangyari, wag na pag-isipan ng negative reason. Positive happenings have greater meanings. Pero minsan yan ang nagiging dahilan ng ibang tao para maging mayabang at mapagmataas. Wag ganun. Kung nasa tuktok ka, wag mong kalimutan na minsan ay  dumaan ka rin sa ibaba. 

Naisip niyo na rin ba kung ang mga tao bang nakasalamuha ninyo ay may dahilan din kung bakit tinadhana na makilala niyo at sinama ni God sa plano Niya para sa inyo? Isipin niyong mabuti. Hindi lang pangyayari sa mga buhay natin ang dapat nating inaalala. Pati ang mga taong nasa paligid natin ay may dahilan kung bakit sila kasama sa kwento ng buhay ninyo. Hindi man nila alam pero ikaw sa sarili mo dapat alam mo kung sino-sino ang mga taong positibo at tutulong sa inyo maging mabuting tao. Mahirap yan. Oo. Mahirap mamili ng mga kaibigan. Pero mas mahirap kung hindi ka pumili ng mga kaibigan o ng taong walang mabuting maidudulot sa inyo.

Kaibigan, hindi nakukuha ang tunay na kaligayahan sa bote ng alak, baraha, kaha ng sigarilyo, hilera ng sexy at magagandang babae o macho at gwapong lalaki na binibilang at pinaglalaruan niyo lang. Ang tunay na kasiyahan ay makukuha mo sa pagpili ng taong hindi ka pipilitin magbago pero matutulungan kang magdesisyon para sa tamang landas. Ang ibang tao diyan hindi marunong makinig sa mga magulang. Suwail, rebelde at kung ano pang ibang tawag sa kanila. Karamihan sa mga ganitong tao ay masaya sa piling ng barkada. Pansinin niyo yan. At ang barkadang pinipili ay yung puro ta-hit ang alam. Tagay-hithit. Sila yung maghapon magdamag sa labas ng bahay. Yun bang parang sisilaban ang mga pwet pag napipirmi sa bahay. At sila yung kadalasang maagang nabubuntis at nakakabuntis. CORRECT ME IF I’M WRONG. Sa panahon ngayon, usong-uso ang ganyang scenario.

Pero yung mga taong nagabayan ng maayos, sila yung kadalasang namimili ng mga taong pinakikisamahan. Sila yung takot magkamali at gumawa ng mali. Nagsasaya din naman siguro katulad ng iba at tumitikim ng konting alak at magsisindi ng isang stick ng sigarilyo pero hindi kinakalimutan ang responsibilidad nila sa trabaho o eskwela at hindi sisirain ang tiwala ng magulang. Hindi sila perpekto. Alam lang nila kung ano ang tama at mali. Kung nagkakamali man yang mga yan, hindi na sila uulit pa. Basta alam nila yung kahihinatnan ng bawat kilos na gagawin nila, mag-iingat yan. Di tulad ng iba na walang pakialam kung nagkamali sila o hindi.

Ngayon, naiisip mo na ba ang mga taong pasok sa categories mo? Paalala kaibigan, hindi ko sinabing iwan mo agad-agad yung mga sa tingin mo ay hindi maganda ang impact sayo o bad influence ang naidulot sayo. Siyempre may pinagsamahan kayo ng mga yan. Kaibigan mo pa rin oo, pero nasa sa iyo na yan kung magpapatuloy ka sa ganyang sitwasyon ng buhay mo ngayon. Kung gusto mo ng mas masaya at magandang buhay, pumili ka ng mabubuting kaibigan. 

Nakaka-relate ka ba? Kung oo, mag-isip isip ka na ngayon pa lang. Walang masama kung magiging choosy ka sa kaibigan. Para sa iyo rin yan. Wag intindihin ang sasabihin ng iba. Priority mo sarili mo at ang buhay mo. 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s